By: Lorrie Rein Perlac
Isang tradisyon na ng mga Katoliko ang pagsalubong sa pari habang itinataas at iwinawagayway ang mga palaspas tuwing unang Linggo ng Mahal na Araw, ginugunita nito ang malugod at mainit na pagtanggap ng mga taga-Jerusalem kay Hesus bago pa man siya dumanas ng kalbaryo, ang pagsisimula ng Semana Santa.
Marahil, atin nang mapapansin na bisperas pa lamang ng Araw ng Palaspas ay nagkalat na ang mga taong gumagawa at nagtitinda nito- bata, matanda, lalaki man o babae.
Sa bayan ng Balagtas sa Bulacan, makikita ang iba't-ibang mukha ng mga taong nasa likod ng mga dahong iwinawagayway ng mga naniniwala kay Kristo.
Isang huwarang inang naghahabi para sa mga anak
"Iyan na ang panata ko, kahit galing pa ako sa Pandi" aniya ni Calby Velasco, 43 at sampung taon nang gumagawa at nagtitinda ng palaspas.
"Malaking tulong ang pagkikita ng tatlong-libo sa isang magdamagang araw, pambaon na ng anak kong nasa college"
Sa taong ito, ayon kay aling Calby tumaas ang bentahan niya sa palaspas ang dating 20 pesos, 25 pesos na, dahil ang mga dahong binibigay lang sa kanya noon ay binibili na niya ngayon.
"Talagang panata ko na kasi, talaga ito" dagdag pa niya.
Amang nagbibigay kulay sa pamilya
Katulad ng kung paano nilalagyan ng palamuti ang mga palaspas ganoon rin si Mang Roger Rivaya, 45, siyam na taon nang gumagawa ng palaspas.
Bakas sa mga ngiti at mga mata ni Mang Roger habang siya ay gumagawa nito. "Masaya ako, sa totoo nga lang lahat na andito, negosyo ko, pangkabuhayan pati panata syempre". Sa ika-siyam na taon niya sa paggawa nito katuwang na niya ang kanyang anak na si Julius.
Mga batang musmos sa pagtitinda
"Kinse, kinse, sampu-sampu at iba pa", awit ng mga batang panay ang benta at pag-alok sa mga taong dumadaan para bumili ng kanilang palaspas.
"Napagutusan lang kami, para na rin may pangkain kaming magbabarkada, hati-hati kami ganoon ba" Anya ni Jovik, ang tumatayong lider ng mga batang magkakaibigan.
"Malapit na nga 'tong maubos e, para makauwi na kami" dagdag pa niya.
Mga musmos at inosenteng kaisipan ang nagtitinda para may ipanlamang-tiyan.
Iba't ibang disenyo, iba't ibang buhay.
No comments:
Post a Comment